Malapit sa tinitirhan ko ang MacPherson Gardens. Nasa mga 230 pamilya ang nakatira roon. May kanya-kanyang kuwento ng buhay ang bawat isa sa kanila. Isa na rito ang matandang babae sa ika-sampung palapag na mag-isa na lang dahil nagsipag-asawa na ang kanyang mga anak. Buo naman ang pamilya na nakatira malapit sa kanya. Ang isang binata nama’y nagtatrabaho bilang sundalo. Nagpunta na noon sa pagtitipon naming sumasampalataya kay Jesus ang binatang iyon. Nakilala ko sila nang mangaroling kami roon ng mga kasamahan kong mananampalataya noong nakaraang Pasko.
Tulad noong panahong isinilang si Jesus, marami pa rin ngayon ang hindi nakakaalam na pumarito ang Dios sa mundo bilang sanggol (LUCAS 1:68; 2:21). Maaari rin naman na hindi nila alam ang magandang balita na isinilang si Jesus para “[magbigay] ng malaking kagalakan sa lahat ng tao” (2:10 asd), anuman ang lahi nila, kultura, kasarian o katayuan sa buhay. Naparito si Jesus upang mamatay para sa lahat at magkaloob ng lubos na kapatawaran. Sa gayon, mapapanumbalik ang relasyon natin sa Dios at mararanasan ang Kanyang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan at pag-asa. Kailangang marinig ng lahat ang magandang balitang ito tulad ng mga nakakasama natin sa araw-araw.
Ang mga anghel ang unang nagpahayag ng magandang
balita na isinilang si Jesus para iligtas tayo. Nais ng Dios na tayo
naman ngayon ang magpahayag nito sa iba.