Noong mga bata pa kami ng kapatid kong si Maysel, lagi niyang kinakanta sa sarili niyang paraan ang isang kilalang awiting pambata. Naiinis ako dahil iniiba niya ito. Ganito niya ito inaawit,“Mahal ako ni Jesus, alam ko ito, ‘pagkat ito ang sinasabi ng Biblia kay Maysel.” Sigurado ako bilang mas nakatatanda at mas maraming alam kaysa sa kanya na ang tama ay “sa akin” sa halip na “kay Maysel.” Pero ganoon niya ito kantahin palagi.
Ngayong malalaki na kami, nalaman ko na tama talaga ang kapatid ko. Sinasabi nga sa Biblia na mahal ni Jesus si Maysel, maging tayong lahat. Paulit-ulit nating mababasa ang tungkol sa katotohanang ito sa Biblia. Pansinin natin ang mga isinulat ni apostol Juan na siyang “alagad na minamahal ni Jesus” (JUAN 21:7, 20). Ipinahayag ni Juan ang tungkol sa pag-ibig ng Dios, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa Kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (JUAN 3:16).
Binigyang-diin pa ni Juan ang tungkol sa pagmamahal ng Dios sa atin. Ang sabi niya, “Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi Siya ang umibig sa atin, at sinugo ang Kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan” (1 JUAN 4:10). Kung paanong sigurado si Juan na minamahal siya ni Jesus, makakasiguro rin naman tayo na minamahal tayo ni Jesus. Ito ang ipinapahayag ng Biblia: Mahal tayo ni Jesus.