Naaksidente ako noong 1992. Kaya paminsan-minsan, nakakaramdam ako ng napakatinding kirot sa balikat, leeg at likuran. Hindi madaling magtiwala’t magpuri sa Dios sa mga panahong iyon. Pero gayon pa man, kapag hindi ko na matiis ang napakatinding kirot, laging nariyan ang Dios para palakasin ang loob ko. Ipinapaalala ng Dios na hindi nagbabago ang Kanyang kabutihan at makapang-yarihan Siya. Dahil doon, panatag ako.
Sa tuwing natutukso naman akong pagdudahan ang katapatan ng Dios, iniisip ko ang matibay na pagtitiwala sa Dios nina Shadrac, Meshac at Abednego. Kahit napakadelikado ng kalagayan nila, hindi sila huminto sa pagsamba at pagtitiwala sa Dios. Tumanggi silang sumamba sa rebultong ginto kaya hinagis sila sa loob ng isang malaking pugon na nagniningas ayon sa utos ni Haring Nebukadnezar (DANIEL 3:13-15). Nanindigan sila na nararapat pa ring sambahin ang Dios kahit na hindi sila sagipin sa pugon (TAL. 17-18). Gayon pa man, hindi sila pinabayaan ng Dios. Sinamahan at iningatan sila ng Dios sa loob mismo ng pugon (TAL. 24-25).
Hindi rin tayo pababayaan ng Dios. Lagi Niya tayong sasamahan sa mga pinagdaraanan nating pagsubok na parang kasintindi ng nagniningas na pugon. Mananatili Siyang makapangyarihan, mapagkakatiwalaan at mabuti kaya mapapanatag tayo. Makakaasa tayo na lagi Niya tayong sasamahan at patuloy na mamahalin.