May bumisita sa amin noon na isang grupo ng mang-aawit sa pagtitipon naming sumasampalataya kay Jesus. Damang-dama namin sa pagkanta nila ang masidhi nilang pag- ibig sa Dios. Mas naunawaan ko kung bakit ganoon kainit ang pagpupuri nila nang sabihin nila na mga dati silang bilanggo. Ang kanilang pagpupuri ay patunay na kayang ibangon ng Dios ang mga dating lugmok sa kabiguan.
Madalas, nais ng mga tao ang kuwento ng mga nagtagumpay. Pero makapagbibigay din naman ng pag-asa ang mga kuwento ng mga nabigo. Matututunan natin mula sa mga ito na mahal tayo ng Dios ilang beses man tayong mabigo. Ayon kay Pastor Gary Inrig, ang tinutukoy daw sa Hebreo 11 na mga bayani dahil sa kanilang pananampalataya ay maganda ring tawaging “Mga Nabigo na Ibinangon ng Dios.” Sabi niya, “Halos lahat sila ay may nagawang mabigat na pagkakamali pero ibinangon sila ng Dios. Makikita natin sa ginawang iyon ng Dios ang Kanyang kagandahang-loob.”
Nakakapagpalakas naman ng loob ang sinasabi sa Awit 145. Malalaman natin dito ang kahabagan, kadakilaan, katapatan at kahanga-hangang ginawa ng Dios. Ibabangon din Niya ang mga nasa lugmok na kalagayan (TAL. 5-14). Makikita natin ang mga katangian Niyang ito sa tuwing ibinabangon tayo ng Dios.
Lahat naman tayo’y nabibigo at maaaring maranasan na ibangon ng Dios. Ang lahat ng iniligtas ng Dios ay patunay ng Kanyang kagandahang-loob.