Nadestino ang asawa ko sa ibang lugar kaya kailangan naming lumipat ng tirahan. Sabik kaming umalis pero hindi ko mapigilang mag-alala. Kailangan kasi naming mag-empake, maghanap ng bagong matitirhan, kabisaduhin ang bagong lugar at iba pa. Habang iniisip ko ang mga iyon, naalala ko ang nais iparating ni Pablo sa mga sumasampalataya kay Jesus sa Filipos na manalangin sa halip na mag-alala (FILIPOS 4:6-7).

Kung may tao man na dapat magalala, si Pablo siguro iyon. Ilang beses kasing nasira ang barkong sinasakyan niya. Nabugbog siya at nabilanggo. Gayon pa man, hindi siya nag-alala sa mga bagay na iyon. Kaya naman, pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa Filipos na nababahala at mag-aalala. Sinabi ni Pablo, “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan n’yo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat” (TALATANG 6 ASD).

Nagpalakas din sa akin ng loob ang sinabing iyon ni Pablo. Hindi talaga maiiwasan sa buhay ang mga problema at ang magalala. Pero natutunan ko mula sa mga ito na nagmamalasakit ang Dios. Hinihikayat tayo ng Dios na ipagkatiwala natin sa Kanya ang lahat ng ating takot at alalahanin. Kapag ginawa natin ito, ipinangako ng Dios na bibigyan Niya tayo ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa ating puso at pag-iisip (TALATANG 7).