Nagiging mainitin ang ulo natin kapag namomroblema o may hindi magandang nangyayari sa ating buhay. Pero hindi natin ito dapat ugaliin. Maaari kasing lumayo ang loob sa atin ng mga mahal natin sa buhay at makapagpalungkot sa iba. Hindi natin magagawa ang tungkulin natin sa ating kapwa hangga’t hindi natin natututunang makitungo nang maayos.
Makikita sa Bagong Tipan ang salitang kahinahunan na tumutukoy sa katangiang dapat taglayin para maiwasan ang pagiging mainitin ng ulo. Ipinapaalala ni apostol Pablo, “Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, at maunawain” (EFESO 4:2 ASD).
Handang tanggapin ng taong mahinahon ang kanyang kahinaan at hindi nito ibinubunton ang galit sa iba. Marunong siyang magpasalamat kahit sa maliliit na bagay na ginagawa para sa kanya at pinapalampas ang hindi maayos na trato sa kanya. Mapagpasensya siya at mabait kahit sa makukulit na bata. Mahinahon pa rin siya maging sa mga nakakagalit na sitwasyon. Pinipili niyang manahimik dahil ito ang kadalasang pinakamainam na tugon sa mga masasakit na salita.
Ayon naman sa manunulat na si George MacDonald, “Hindi dapat naririnig sa atin ang mga masasakit na salita na nagdudulot ng sama ng loob sa iba…Isinilang si Jesus para iligtas tayo sa mga kasalanang tulad nito.” Si Jesus ay “maamo at may mapagpakumbabang puso” (MATEO 11:29). Idalangin natin kay Jesus na tayo ay maging tulad Niya.