Isang linggo na lang at magpapasko na. Pero, wala pa rin akong ganang mamili at maglagay ng mga dekorasyon sa aming bahay. Kamamatay pa lang kasi ng aking ina noon. Kahit sinisikap ng asawa ko na pagaanin ang loob ko, hindi ko pa rin magawang maging masaya.
Isang araw, nagkabit ng Christmas lights ang anak ko. Habang kumukuti-kutitap ang mga iyon, parang unti-unting pinagaan ng Dios ang kabigatan sa puso ko. Kahit napakasakit ng pinagdaraanan ko, nanatiling matibay ang aking pag-asa dahil sa katotohanan na hindi nagbabago ang Dios.
Sumasang-ayon naman ang sinasabi ng Awit 146 sa ipinapaalala sa akin ng Dios nang araw na iyon. Ipinaalala ng Dios na ang aking pag-asa ay nasa Kanya dahil makapangyarihan Siya, mahabagin at matulungin. Bilang Manlilikha ng lahat, mananatili Siyang tapat magpakailanman. Binibigyan Niya ng katarungan ang mga inaapi, pinakakain ang mga nagugutom at ibinabangon ang mga nabubuwal. Babantayan at palalakasin din Niya tayo at maghahari Siya magpakailanman (TAL. 5-10).
Puno ng kasiyahan ang panahon ng kapaskuhan pero maaari rin itong mapuno ng kalungkutan tulad ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Gayon pa man, nangako ang Dios na sa lahat ng panahon, Siya ang magsisilbing liwanag natin sa madilim na bahagi ng ating buhay. Siya ang tutulong at laging magbibigay ng pag-asa sa atin.