“Si Cristo’y kasama ko, si Cristo’y nasa harapan ko, si Cristo’y nasa likuran ko.” Mula ito sa awiting isinulat ni Saint Patrick. Naisip ko ang awit na ito nang mabasa ko ang tungkol sa kapanganakan ni Jesus sa aklat ni Mateo sa Biblia. Ipinaalala nito sa akin na hindi ako mag-iisa kailanman.
Ipinapakita sa aklat ni Mateo na ang pagparito ng Dios sa mundo ang diwa ng pasko. Binanggit niya sa kanyang aklat ang propesiya ni Isaias tungkol sa batang ipapanganak na tatawaging Emmanuel na ang ibig sabihi’y “kasama natin ang Dios” (ISAIAS 7:14). Sinabi ni Mateo na si Jesus ang katuparan ng propesiyang iyon. Isinilang si Jesus upang makasama natin ang Dios. Napakahalagang malaman na kasama natin ang Dios kaya sinimulan ni Mateo ang kanyang aklat tungkol dito at tinapos sa sinabi ni Jesus na, “Narito, Ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (MAT. 28:20).
Ipinapaalala sa akin ng kanta ni Saint Patrick na laging kasama ng mga mananampalataya si Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nasa kanila. Kapag kinakabahan ako o natatakot, aalalahanin ko ang mga pangako ng Dios na hindi Niya ako iiwan. Kapag hindi ako makatulog, maaari kong hilingin sa Kanya na bigyan ako ng kapayapaan. Kapag masaya naman ako, mapapasalamatan ko Siya sa mga biyayang ibinigay Niya sa akin.
Si Jesus ang Emmanuel – “kasama natin ang Dios.”