Nakaimbento si Reginald Fessenden ng isang uri ng komu-nikasyon na hindi na kinakailangan ng mga kable. Noong una, hindi naniniwala ang ibang siyentipiko na mag-tatagumpay siya dahil kakaiba at hindi pangkaraniwan ang mga ideya niya. Pero ayon kay Reginald, siya ang kauna-unahang nakapagpatugtog ng musika sa radyo. Nagawa niya iyon noong ika-24 ng Disyembre 1906.
Nagpakabit ang isang kumpanyang nagbebenta ng prutas kay Reginald ng imbensiyon niya. Ikinabit niya iyon sa mga nasa 12 barkong pag-aari ng kumpanyang iyon. Noong bisperas ng Pasko, sinabihan ni Reginald ang mga tagapangasiwa sa bawat barko na makinig sa radyong inimbento niya. Alas-9 ng gabi nang marinig nila ang boses niya.
Nagpatugtog din siya ng musikang pang-opera at tinugtog sa biyulin ang kantang “O Holy Night” saka niya inawit ang huling bahagi nito. Binati rin niya ng maligayang pasko ang mga nakikinig at binasa mula sa Biblia ang kuwento ng pagbabalita ng mga anghel sa mga pastol tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas (LUCAS 2).
Parehong nakarinig ng isang napakagandang mensahe ng pag-asa ang mga nakasakay sa barko at ang mga pastol. Ang magandang balitang iyon ang mensahe pa rin sa atin ng Dios hanggang ngayon. Isinilang ang Tagapagligtas para sa atin – ang Panginoong Jesus (LUCAS 2:11). Maaari tayong umawit kasama ng mga anghel at ng mga nakay Jesus na tumugon ng “Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya” (TALATANG 14).