Noong bago pa lang akong sumasampalataya kay Jesus, isinusulat ko ang mga dapat kong ipagpasalamat sa Dios. Kung minsan, naisusulat ko agad ang mga ipinagpapasalamat ko. Kung minsan naman, umaabot pa ng isang linggo bago ko maisulat ang mga iyon.
Magandang makasanayan ang pagsusulat ng mga papuri’t pasasalamat sa Dios. Gusto ko ulit iyon makasanayan. Malaking tulong kasi iyon para lagi kong maalalang pasalamatan ang Dios sa lahat ng biyaya at pag-iingat Niya sa akin.
Sa Awit 117, hinihikayat tayo na purihin ang Panginoon dahil “dakila ang Kanyang tapat na pag-ibig sa atin” (TALATANG 2).
Alalahanin mo kung paano ipinadama ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa’yo sa araw na ito at maging sa darating na linggo, buwan at taon. Hindi lang makikita ang pagmamahal ng Dios sa mga kamangha-manghang nangya-yari sa atin kundi maging sa mga ordinaryong pangyayari rin. Alalahanin mo rin ang ipinakita Niyang pagmamahal sa iyong pamilya, sa ibang mananampalataya at sa ibang tao. Lagi nating isipin na minamahal tayo ng Dios.
Sinabi pa sa Awit 117 na “ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman” (TAL. 2). Pagbibigay-diin ito sa pagmamahal sa atin ng Dios. Ibig sabihin, patuloy Niya tayong mamahalin. Kaya, marami pa tayong maipagpapasalamat sa Dios sa mga darating na araw. Bilang mga nagtitiwala sa Dios, purihin at pasalamatan natin Siya araw-araw.