Minsan nang nagmamaneho ako, bigla na lang may tumawid sa harap ng sasakyan ko. Hindi niya ako siguro napansin. Mabuti na lang at nakapagpreno ako agad. Nagulat siya at nagkatinginan kami. Nang mga oras na iyon, inisip ko kung susungitan ko ba siya o ngingitian na lang. Pinili kong ngumiti na lang. Dahil doon, kitang kita na gumaan ang pakiramdam niya at ngumiti rin bilang tanda ng pasasalamat.
Sinasabi sa Kawikaan 15:13, “Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha, ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.” Ibig bang sabihin ng sumulat na ngumiti nalang sa lahat ng pagkakataon kahit na sa mga pangit na nangyayari sa ating buhay? Siyempre hindi! May mga panahon na talagang nalulungkot tayo, nawawalan ng pag-asa o kaya nama’y nagagalit. Pero sa mga ordinaryong araw gaya ng nangyari sa akin, ang isang simpleng pagngiti ay maaaring makapagpagaan ng loob, makapagbigay ng pag-asa at magpasigla sa ibang tao.
Marahil, ang nais iparating ng kawikaang iyon ay ipinapakita ng pagngiti ang tunay na nilalaman ng ating puso. May kapayapaan at kapanatagan ang taong may masayang puso. Nagpapasakop din siya sa nais ng Dios. Kung ganito ang kalagayan ng ating puso, makakangiti tayo kahit hindi maganda ang nangyayari. Sa gayon, mahihikayat din natin ang iba na hangaring maranasan ang pag-asa at kapayapaan na nagmumula sa Dios (JUAN 16:33 MBB).