Ang hummingbird ay isang uri ng ibon. Hinango ang pangalan nito sa tunog na ginagawa ng pakpak nito kapag pumapagaspas. “Flower-kisser” ang tawag ng mga Portuges dito at “flying jewels” naman ang tawag ng mga Espanyol. Ang pinakagusto ko ay ang “biulu” na tawag ng mga katutubong taga Mexico na ang ibig sabihi’y tatatak sa paningin. Sa madaling salita, kapag nakakita ka ng hummingbird, maaaring hindi mo na ito makakalimutan.
Ang sabi ni G.K. Chesterton, “Hindi mauubusan ang mundo ng kamangha-manghang nilikha pero paunti nang paunti ang pagkamangha ng mga tao sa mga ito.” Isa ang hummingbird sa mga kamangha-manghang nilikha ng Dios. Napakaliit kasi ng mga ito, nasa mga 2-3 pulgada lang. Napakabilis din nila sa pagkampay ng kanilang pakpak na umaabot sa 50 hanggang 200 beses sa loob ng isang segundo.
Makikita naman ang pagkamangha ng sumulat ng Awit 104 sa kagandahan ng kalikasan. Matapos niyang ilarawan ang mga kamangha- manghang nilikha ng Dios, umawit siya, “Magalak nawa ang Panginoon sa Kanyang mga gawa” (TAL. 31). Pagkatapos ay nanalangin din siya, “Maging kalugudlugod nawa sa [Dios] ang aking pagbubulay-bulay” (TAL. 34).
Paano kaya natin pagbubulay-bulayan ang kagandahan ng kalikasan at nang sa gayo’y malugod ang Dios? Maraming makikita sa kalikasan ang tatatak sa ating isipan. Habang pinagmamasdan natin ang mga nilikha ng Dios, magalak nawa tayo at magpasalamat sa Kanya. Mamangha tayong muli sa mga ito.