Sa pagtatapos ng taon, nakakalungkot isipin na hindi natin natapos ang ilang mga bagay na dapat tapusin. Para bang walang katapusan ang mga responsibilidad natin. Ang mga hindi naman natin natapos ay nadadagdag lang sa mga susunod pa nating gagawin. Gayon pa man, dapat tayong saglit na huminto para ipagdiwang ang katapatan ng Dios at ang mga gawaing natapos.
Napapagod tayo sa mundong ito, nasasaktan, nagugutom, naghihirap, nagkakautang, nagkakasakit at namamatay. Dahil kailangan nating dumaan sa ganitong klase ng mundo, angkop ang paanyaya ni Jesus, “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin at kayo'y bibigyan Ko ng kapahingahan” (MATEO 11:28 MBB). Kailangan natin ng kapahingahang iyon
Wala pa akong napuntahang libing na hindi ko narinig na binanggit ang pangitain ni Juan tungkol sa “bagong langit at bagong lupa” (PAHAYAG 21:1-6). Ang ganoong mensahe ay angkop sa libing. Pero naniniwala ako na ang mensaheng iyon ay mas angkop para sa buhay at hindi para sa patay. Matatanggap natin ang iniaalok ng Dios na kapahingahan kung buhay tayo. Kapag tinanggap natin ang kapahingahang iyon, saka pa lang tayo magkakaroon ng karapatan sa mga pangako ng Dios na ipinahayag sa Pahayag: Maninirahan ang Dios sa piling natin, papahirin Niya ang luha sa ating mga mata at wala nang mamamatay at tatangis (TALATANG 3-4).
Tanggapin natin ang iniaalok ni Jesus at maranasan ang kapahingahang Kanyang ibibigay.