Isa sa kapana-panabik sa pagbisita sa bansang Europa ay ang makita ang mga magaganda at malalaki nilang simbahan. Mamamangha ka at makapagdudulot ng kakaibang karanasan ang mga larawan, simbolo at disenyo na makikita mo roon.
Kapansin-pansin naman na nagpapahayag ng kadakilaan at kaluwalhatian ng Dios ang mga makikita roon. Kaya, naisip ko kung paano naman natin mailalagay sa ating puso at isipan ang pagkamangha sa Dios nang tulad sa pagkamangha sa magagandang gusali. Nang sa gayon, lagi nating maalala ang kadakilaan ng Dios.
Ito ang naisip ko. Pagbulayan natin ang kadakilaan ng Dios sa mismo Niyang mga nilikha kaysa sa mga nilikha ng tao. Pagmasdan natin ang mga bituin sa langit at isipin natin ang makapangyarihang Dios sa Kanyang paglikha sa buong kalawakan. Puwede mo ring kargahin ang isang sanggol at pasalamatan mo ang Dios sa buhay na Kanyang ibinibigay. Tingnan mo rin ang kabundukan na binabalutan ng mga snow o ang karagatan na may iba’t ibang uri ng yamang dagat na tanging ang Dios ang lumikha at nagdisenyo sa kanila. Pagbulayan mo ang kamangha-manghang kapangyarihan ng Dios sa Kanyang mga nilikha at kung paano sila nabubuhay.
Hindi naman mali na gumawa ang mga tao ng mga magagandang gusali o mga bagay na magpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios. Pero, isaisip natin na ang tunay na pagkamangha ay nararapat lamang sa Dios. Sabihin natin sa Dios, “Sa Inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat Inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa Inyo ang kaharian at Kayo ang dakila sa lahat” (1 CRONICA 29:11 MBB).