Mahalaga sa mag-asawang sina Jim at Della ang maipakita ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa. Kaya naman, nag-iisip sila kung ano ang ireregalo sa isa’t isa sa nalalapit na pasko. Ibinenta ni Della ang kanyang mahabang buhok na abot-tuhod para mabilhan niya si Jim ng regalo. Binili niya ang isang maliit na kadena para sa orasan ni Jim na minana pa nito sa kanyang ama. Ibinenta naman ni Jim ang orasan niya para mabilhan si Della ng isang magarang suklay para sa magandang buhok ni Della.
Pinamagatan ng manunulat na si O. Henry ang kuwento ng mag-asawa na ‘Ang Regalo ng Pantas’. Ipinapakita ng kuwento na kahit parang nawalan ng saysay ang kanilang mga regalo, naipadama naman ang lubos nilang pagmamahal sa isa’t isa. At ang pagmamahal na iyon ang pinakamagandang regalo na kanilang natanggap.
Sa ilang tao, nagmukha rin namang walang saysay ang pagbibigay ng regalo ng mga pantas na binanggit sa Biblia nang dumating sila sa Betlehem (MATEO 2:11). Hindi kasi sila Judio. Mga Hentil sila na hindi nalalaman ang laking gulo na kanilang idinulot sa buong Jerusalem nang magtanong sila kung nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio (tal. 2).
Tulad ng naranasan nina Jim at Della, hindi rin umayon sa inaasahan ng mga pantas ang mga nangyari. Gayon pa man, naibigay nila ang isang bagay na hindi mabibili ng pera. Iyon ang kanilang pagsamba sa Dios na nag-alay ng Kanyang buhay para sa ating lahat.