Sina Cleopatra, Galileo, Shakespeare, Elvis at Rizal ay mga sikat na pangalan. Naging tanyag sila sa kasaysayan dahil sa kanilang mga ginawa. Pero may isang pangalan na hihigit sa lahat ng mga ito.
Siya si Jesus na Anak ng Dios. Ayon sa sinabi ng isang anghel, ipinangalan nina Jose at Maria sa Anak ng Dios ang Jesus dahil “ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” at “tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios” (MATEO 1:21; LUCAS 1:32). Hindi naparito si Jesus sa mundo tulad ng isang sikat na artista. Sa halip, naglingkod Siya na may buong kapakumbabaan at inialay ang Kanyang buhay sa krus. Nang sa gayon, matanggap natin ang kapatawaran at kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan.
Sinabi ni Pablo na Apostol ni Jesus, “Kaya naman itinaas Siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo, upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa Kanya. At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama” (FILIPOS 2:9-11).
Sa panahon na masaya tayo o dumaranas ng mga matitinding pagsubok, makakalapit tayo kay Hesus. Tawagin natin ang Kanyang pangalan. Hinding-hindi Niya tayo iiwan at ipapadama Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal.