Naluluha ako habang tinitingnan ang mga bayarin ko sa ospital. Matagal pa namang nawalan ng trabaho ang aking asawa. Kaya naman, kulang talaga ang pambayad namin. Nanalangin ako sa Dios bago ako tumawag sa aming doktor. Gusto kong ipaliwanag sa kanya ang aming sitwasyon at makikiusap kung puwede naming mabayaran nang paunti-unti ang aming utang sa ospital.
Makalipas ang ilang sandaling paghihintay sa telepono, sinabi sa akin ng isang empleyado ng ospital na hindi na raw kami sisingilin ng doktor sa aming mga utang.
Ibinaba ko ang telepono at nagpuri sa Dios. Aalalahanin ko ang pangyayaring ito, hindi dahil may kailangan akong tanawin na utang na loob kundi dahil alam kong kumilos ang Dios para tulungan ako.
Ipinapaalala naman ng ginawa ng doktor ang pagpapatawad ng Dios sa aking mga kasalanan. Ipinapaalala sa atin ng Biblia na ang Dios ay “mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal” (SALMO 103:8). “Hindi Niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan” (TAL. 10). Kung magsisisi at magtitiwala naman tayo kay Jesus, buburahin ng Dios ang ating mga kasalanan. Kalilimutan ito ng Dios sa “kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran” (TAL. 12). Ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay ay sapat na pambayad sa lahat ng ating mga kasalanan.
Purihin at pasalamatan natin ang Dios sa Kanyang mga ginawa para atin. Mamuhay tayo nang ayon sa nais Niya at ipahayag natin sa iba ang tungkol sa pagpapatawad ng Dios sa ating buhay.