May mga inilagay ako sa Facebook noong mga nagdaang taon na ipinapakitang muli. Mga larawan ito noong kasal ng kapatid ko o video ng aking anak habang kalaro ang lola niya. Napapangiti ako sa mga magagandang alaalang ito na muling ipinaalala ng Facebook. Pero hindi lang masasayang bagay ang naipapaalala ng Facebook.
Nakita ko kasing muli ang larawan ng aking ina noong operahan siya sa ulo. At yung mga sinabi ko noong minsang bisitahin namin sa ospital ang bayaw kong may kanser. Naalala ko ang kagandahang-loob ng Dios noong panahong iyon. Ang mga alaalang ito na ipinapakitang muli ng Facebook ang nag-udyok sa akin para manalangin at magpasalamat sa Dios.
Kailangan din naman natin ng mga magpapaalala sa atin. Lahat kasi tayo ay maaaring makalimot sa mga tulong na ginawa ng Dios sa atin. May ginawa naman noon si Josue na lingkod ng Dios na magpapaalala sa kanya tungkol sa kabutihan ng Dios. Pinangunahan noon ni Josue ang mga Israelita sa lugar kung saan sila maninirahan. Pero kailangan nilang tumawid sa ilog ng Jordan (JOSUE 3:15-16). Kaya naman, hinati ng Dios ang ilog para makatawid sila at makalakad sa tuyong lupa (TAL. 17). Kumuha sila ng 12 bato sa ilog at pinagpatong-patong ito pagdating nila sa pampang (4:3, 6-7). Paalala ang mga batong iyon na gumawa ang Dios ng himala para sa mga Israelita. At paalala rin iyon para maikuwento sa iba ng mga Israelita ang Kanyang ginawa.
Ang mga bagay sa nakaraan na nagpapaalala sa katapatan ng Dios ay maaari ring paalala sa kasalukuyang panahon at maging sa hinaharap na kailangan nating magtiwala sa
Dios.