Masipag at mapagkakatiwalaang empleyado sa isang bangko si Lee. Gayon pa man, nahihirapan siyang makisama sa kanyang mga katrabaho. Hindi niya kayang makiayon sa kanila. Umaalis siya sa grupo kapag hindi na maganda ang kanilang pinag-uusapan. Naikuwento naman ni Lee sa kanyang kaibigan na kapwa niya nagtitiwala kay Jesus ang nangyari. Sinabi ni Lee na sa palagay niya ay hindi tataas ang kanyang katungkulan sa trabaho.
May pagkakatulad naman ang naranasan ni Lee sa mga nagtitiwala sa Dios noong panahon ni Propeta Malakias. Bumalik na noon ang mga Israelita sa kanilang bansa mula sa pagkakabihag sa kanila. Pero marami ang nagdududa sa plano ng Dios. May mga Israelita na nagsasabi, “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios.
Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang Kanyang mga utos?... Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad” (MALAKIAS 3:14-15).
Paano tayo mamumuhay nang buong tapat sa Dios kung sinasabi ng ating lipunan na hindi tayo uunlad kapag hindi tayo makikiayon sa takbo ng mundo? Ang mga nagtitiwala sa Dios noong panahon ni Malakias naman ay nagsamasama, nananatiling tapat at pinalakas ang loob ng isa’t isa. Sinabi ni Malakias na “Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan” (TAL. 16).
Nakikita at iniingatan ng Dios ang lahat ng gumagalang at nagtitiwala sa Kanya. Hindi rin nais ng Dios na makiayon tayo sa takbo ng mundo. Nais Niyang manatili tayong tapat sa Kanya.