Noong nasa kolehiyo ako, pinag-aralan namin ang tungkol sa buhay ng mga dios ng Griyego at Romano. Nagulat ako na pabagu-bago ng ugali at madaling magalit ang mga dios nila. Ang mga taong nakaranas ng galit nila ay namatay o kaya nama'y nagdusa.
Naiinis ako kung bakit naniniwala noon ang mga tao sa ganoong klaseng dios. Pero, napatanong ako sa aking sarili. Hindi ko ba naiisip na mabilis magalit ang Dios sa tuwing pinagdududahan ko ang ginagawa Niya? Ang totoo, naiisip kong mabilis Siyang magalit.
Kaya naman, humahanga ako kay Moises na lingkod ng Dios nang sabihin niya sa Dios na, “Ipakita po Ninyo sa akin ang Inyong kaluwalhatian” (EXODUS 33:18 MBB). Gusto kasing matiyak ni Moises na tutulungan siya ng Dios. Inatasan kasi si Moises ng Dios na pangunahan ang mga mareklamong Israelita. Ipinakita naman ng Dios ang Kanyang kaluwalhatian kay Moises. Sinabi ng Dios ang Kanyang pangalan kay Moises maging ang Kanyang mga katangian. Sinabi ng Dios na Siya ay, “mahabagin at mapagmahal. Hindi [Siya] madaling magalit; patuloy [Niyang] ipinadarama ang [Kanyang] pagibig at [Siya’y] nananatiling tapat” (34:6 MBB).
Naipaalala sa akin ng talatang iyon na ang Dios ay hindi bigla-bigla na lang nagagalit.
Makikita natin ang kaluwalhatian ng Dios sa Kanyang pagiging mapagpasensiya sa atin. At maging sa mga payo ng ating kaibigan, sa Kanyang mga nilikha at sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating buhay.