Naging sikat ang isinulat na kanta ni Anna B. Warner noong taong 1800 lalo na sa mga bata. Ipinapahiwatig ng kanta na minamahal tayo ng Panginoong Jesus.
May nagbigay naman sa aking asawa ng isang plake at may nakasulat na, “Kilala ako ni Jesus at gusto ko iyon.” Nagpapahiwatig naman ito ng isang pananaw tungkol sa ating relasyon kay Jesus – kilala Niya tayo.
Noong panahon naman ng unang mga Israelita, masasabi nilang tunay na pastol ang isang tao kung kinikilala at minamahal nito ang kanyang mga
tupa. Naglalaan ang pastol ng maraming panahon sa kanyang mga tupa. Kaya naman, mas nakikilala niya ito at minamahal. Ganito rin ang pananaw ni Jesus. Sinabi Niya, “Ako ang mabuting pastol. Kung paano Ako nakikilala ng Aking Ama at kung paano Ko Siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala Ko sa Aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa Akin. At iniaalay Ko ang Aking buhay para sa kanila… Nakikinig sa Akin ang Aking mga tupa. Kilala Ko sila at sumusunod sila sa Akin” (JUAN 10:14, 27).
Kilala at minamahal tayo ni Jesus. Maipagkakatiwala natin kay Jesus ang ating buhay at maaasahan natin ang Kanyang mga pangako. Iingatan Niya tayo at hindi pababayaan “dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa Kanya” (MATEO 6:8). Kaya naman, magkakaroon tayo ng lakas ng loob na harapin ang anumang pagsubok sa buhay. Kilala at minamahal tayo ng ating Dakilang Pastol.