Noong mga taong 1950, lumaki ako na balewala lang sa akin kung pinaghihiwalay ang mga taong iba ang kulay ng balat sa amin. Nakasanayan ko na kasing makita sa eskuwelahan, kainan, sakayan at sa aming lugar na magkakahiwalay kami.
Pero nagbago ang aking pananaw noong sumali ako sa pagsasanay para maging isang sundalo. Binubuo ang grupo ko ng iba’t ibang lahi. Gayon pa man, kailangan naming maunawaan at tanggapin ang isa’t isa. Kailangan naming magtulungan at matapos ang misyon na ibinigay sa amin.
Nang sulatan naman ni Apostol Pablo ang mga taga Colosas, nasa isip na niya ang tungkol sa pagkakaiba-iba ng mga dumadalo sa kapulungan ng mga sumasampalataya kay Jesus. Kaya naman, ipinaalala ni Pablo sa kanila, “Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli…at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at Siyaʼy nasa ating lahat” (COLOSAS 3:11). Sa isang lugar kung saan kitang-kita ang pagkakaiba-iba ng bawat isa, madaling magkabaha-bahagi ang mga tao. Kaya, hinikayat ni Pablo ang mga mananampalataya sa Colosas na maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis (TAL. 12). Sinabi pa ni Pablo, “At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa” (TAL. 14).
Kung susundin natin ang prinsipyong ito, nasusunod natin ang nais ni Jesus. Ang pag-ibig natin kay Jesus ang nagbubuklod sa lahat ng mananampalataya at nagdudulot ito ng kapayapaan. Kaya, anuman ating pagkakaiba-iba, magkakaisa tayo sa pamamagitan ni Cristo.