Minsan, habang iniisip ko ang pangangailangan ng isa sa malapit kong kaibigan, naalala ko ang kuwento ni Propeta Samuel na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Dahil doon lumakas ang loob ko na idalangin ang malapit kong kaibigan. Idinalangin kasi ni Samuel ang kanyang mga kababayan na humaharap sa matinding pagsubok.
Natatakot noon ang mga Israelita sa mga Filisteo. Ilang beses na kasing natalo sa digmaan ang mga Israelita dahil hindi sila nagtitiwala sa Dios (TINGNAN ANG 1 SAMUEL 4). Pero pagkatapos magsisi ng mga Israelita, nabalitaan nilang susugod na naman ang mga Filisteo. Kaya naman, nakiusap sila kay Samuel na patuloy silang idalangin sa Dios (7:8).
Tinugon naman ng Dios ang kanilang panalangin at tinalo ng Dios ang kanilang mga kaaway (TAL. 10). Kahit malakas ang mga Filisteo kaysa sa mga Israelita, higit na makapangyarihan ang Dios sa lahat.
Maaaring maisip natin na hindi kumikilos ang Dios para tulungan ang ating mga mahal sa buhay sa mabibigat nilang problema. Kaya naman, nasasaktan tayo para sa kanila. Pero hindi natin dapat pagdudahan ang kapangyarihan ng Dios. Idalangin natin sa Kanya ang ating mga hinaing dahil tiyak na pakikinggan Niya tayo. Hindi natin alam kung paano tutugunin ng Dios ang ating mga idinadalangin. Pero alam natin na minamahal at tapat ang Dios sa atin.
Mayroon ka bang nais idalangin ngayong araw?