Nais mo bang lalo pang maging mapagpasalamat? Ito ang panghihikayat ni George Herbert sa kinatha niyang tula na pinamagatang ‘Pagtanaw ng Utang na Loob’. Sinabi sa tula na kapag binigyan ka, suklian mo ito ng isang mapagpasalamat na puso.
Isinasabuhay ni Herbert ang laging alalahanin ang mga pagpapalang kanyang natatanggap mula sa Dios upang siya’y maging mapagpasalamat.
Ipinapahayag naman ng Biblia na si Jesus ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala na ating natatanggap. Sabi sa Biblia, “Ang lahat ng bagay ay nanggaling sa Kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan Niya at para sa Kanya” (ROMA 11:36). Ang ibig sabihin ng ‘lahat ng bagay’ sa talata ay lahat ng ating natatanggap na pagpapala sa araw-araw, maliit man o malaki. Lahat ng natatanggap natin ay mula sa Dios at handa Niyang ibigay ang lahat ng ating pangangailangan dahil mahal Niya tayo (SANTIAGO 1:17).
Para naman lagi kong maalalang pasalamatan ang Dios, pinasasalamatan ko ang bawat nangyayari o natatanggap ko sa aking buhay araw-araw. Lalo na iyong mga simpleng bagay na hindi ko masyadong napapansin o mga bagay na madalas kong nababalewala. Halimbawa nito ay ang pagsikat ng araw, ang makasama ang aking mga kaibigan sa gabi, tinapay na maihahain ko sa aking anak at ang amoy ng aking kape.
Anu-ano ang mga bagay na natanggap mo mula sa Dios? Kung lagi nating aalalahanin ang mga pagpapalang iyon sa atin ng Dios, makakatulong iyon para lalo tayong maging mapagpasalamat sa lahat ng bagay.