Ang pagkasira ng global computer system ay maaaring magdulot ng pagkansela ng mga byahe sa mga paliparan. Maraming pasahero ang maaapektuhan. Kapag may bagyo naman, nakasarado ang mga kalsada dahil sa kabi-kabilang aksidente ng mga sasakyan. Ang mga pagkaantala na tulad ng mga ito ay madalas na nakakainip, nakakainis o nakakadismaya. Pero pagkakataon na- man ito sa mga nagtitiwala kay Jesus para humingi ng tulong sa Dios.
Si Jose na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng pagiging matiyaga sa paghihintay. Ibinenta noon si Jose ng kanyang mga kapatid sa isang mangangalakal. Naakusahan ng asawa ng kanyang amo at nakulong sa Egipto. “Pero kahit nasa bilangguan si Jose, ginagabayan pa rin siya ng Panginoon” (GENESIS 39:20-21). Makalipas ang ilang taon, sinabi ni Jose ang kahulugan ng panaginip ng Faraon at binigyan siya ng mataas na katungkulan sa buong Egipto (GENESIS 41).
Nagbunga naman ang pagtitiyaga ni Jose. Nakita niyang muli ang kanyang mga kapatid nang pumunta ito sa Egipto para bumili ng pagkain. “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Dios ang nag-padala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay” (GENESIS 45:4-5 MBB).
Nawa'y maging matiyaga rin tayo sa paghihintay tulad ni Jose sa anumang pagkaantalang ating nararanasan. Mabilis man o matagal ang pagkaantala, matututo pa rin tayong maging mapagpasensiya at magtiwala sa Dios.