Anong gagawin mo kung may nakaharang na isang bundok sa daraanan mo? Mamamangha tayo sa ginawa ni Dashrath Manjhi na taga India sa isang nakaharang na bundok. Nang mamatay ang kanyang asawa dahil sa layo ng ospital, may nagawa siya na parang imposibleng mangyari. Sa loob ng 22 taon, tinibag niya ang isang bundok upang magkaroon ito ng daan. Naging mas malapit na sa ospital ang kanilang lugar dahil sa daang iyon.
Maituturing din ni Zerubabel na isa sa pinuno ng mga Israelita na imposibleng mangyari na maitayong muli ang templo ng Dios. Pinanghihinaan kasi ng loob ang mga Israelita, nakakaranas pa sila ng pananakot ng kanilang mga kaaway at kulang sila sa materyales.
Pero pinapunta ng Dios si Zacarias kay Zerubabel para ipaalam sa kanya na hindi sapat ang lakas ng bawat isa sa kanila o ang dami ng materyales na gawa ng tao para muling maitayo ang templo ng Dios. Ang higit nilang kailangan ay ang espirituwal na kapangyarihan na nagmumula sa Dios (ZACARIAS 4:6). Dahil sa kapangyarihan ng Dios, lubos na nagtiwala si Zerubabel na kayang ayusin ng Dios ang anumang hadlang hanggang sa maitayong muli ang templo (TAL . 7).
Ano ang ating gagawin kung may gabundok na hadlang sa nais nating gawin? May dalawa tayong puwedeng gawin. Una, puwede tayong manangan sa sarili nating kakayahan at ang ikalawa naman ay ang magtiwala sa kapangyarihan ng Dios. Kung magtitiwala tayo sa Dios, tutulungan Niya tayong maayos ang ating mga pinoproblema o kaya nama'y bibigyan Niya tayo ng kakayahan at lakas para malampasan ang mga pagsubok.