Maraming tao ang pinagpapala sa mga awitin ng sikat na Brooklyn Tabernacle Choir. Isa sa pinakasikat nilang kanta ay ang awiting ‘My Help’ na kanilang hinango sa Salmo 121.
Ipinapahayag ng Salmo 121 ang tungkol sa pagtitiwala ng sumulat ng Awit sa Dios na siyang laging tumutulong sa kanya (TAL . 1-2). Ano ang nais nitong iparating? Sa tulong ng Dios, mayroon tayong katatagan (TAL . 3), 24 oras na may nagmamalasakit sa atin (TAL . 3-4), lagi tayong may proteksyon (TAL . 5-6) at iingatan tayo sa anumang kasamaan magpakailanman (TAL . 7-8).
Mapapansin natin sa pamamagitan ng mga awit ng mga nagtitiwala sa Dios na ang kanilang natatanggap na tulong ay nagmumula sa Dios. Ganoon din naman ang mga inaawit kong papuri sa Dios na nagpapahiwatig ng pagtulong ng Dios. Sinabi sa isinulat na awit ng isang mangangaral na si Martin Luther, “Isang matibay na kublihan ang ating Dios. Siya ang ating Tagapagtanggol na hindi magagapi. Ang laging handang sumaklolo at tumulong sa atin.”
Nararanasan mo ba na parang mag-isa ka lang, iniwan, pinabayaan o nababalisa? Pagbulayan mo ang mga sinabi sa Salmo 121. Hayaan mo ang bawat salita sa Awit ang magbigay sa iyo ng katatagan at lakas ng loob. Hindi ka nag-iisa kaya huwag mong akuin mag-isa ang iyong mga pinoproblema. Sa halip, magalak ka dahil tiyak na may tutulong sa iyo. Siya si Jesus na inialay ang Kanyang buhay sa krus, muling nabuhay at umakyat sa langit kasama ang Dios. At kung anuman ang susunod mong gagawin, humingi ka ng tulong sa ating Panginoon.