Nagmamaneho pauwi si Regina galing sa trabaho nang dismayado at nalulungkot. Nakatanggap kasi siya nang isang malungkot na balita mula sa kanyang kaibigan at hindi man lang pinansin ang mga ideya niya sa kanyang trabaho. Kaya naman, naisip ni Regina na bisitahin na lang ang kanyang kaibigan na si Maria. Nakatira si Maria sa lugar kung saan inaalagaan ang mga matatanda. Gumaan ang pakiramdam ni Regina nang marinig niya ang kuwento ni Maria. Sinabi ni Maria na mapalad siya dahil may sarili siyang kama at upuan. Nakakakain din siya ng tatlong beses sa isang araw at may katulong siyang mga nars. At paminsan-minsan, nakikita niya ang paborito niyang mga ibon na dumadapo sa kanyang bintana.
Maganda ang ugali at pananaw ni Maria sa buhay. Tulad nga ng isang kasabihan, “10 porsiyento ng ating buhay ay may kinalaman sa kung ano ang mga nangyayari sa atin at 90 porsiyento naman nito ay kung paano tayo tumutugon sa bawat nangyayari.”
Sinulatan naman noon ni Apostol Santiago ang mga nagtitiwala kay Jesus na dumaranas ng mga pag-uusig. Hinikayat niya sila na magkaroon ng magandang pananaw sa mga pagsubok na kanilang dinaranas. Pinalakas ni Santiago ang loob nila, “Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok” (SANTIAGO 1:2).
May kanya-kanya tayong pinagdaraanan sa buhay na siyang nag-uudyok sa atin para matuto tayong magtiwala sa Dios. Magkaroon nawa tayo ng isang pananaw na matutong magalak sa kabila ng mga pagsubok. Sa gayon, makikita natin na ginagamit ng Dios ang mga pagsubok upang tumatag ang ating pananampalataya sa Kanya.