Noong Agosto 21, 2016, nagkaroon ng matinding baha sa Louisiana sa Amerika. Kaya naman, nagtawag ng tulong si Carissa at ang asawa niyang si Bobby sa mga kakilala nila para puntahan at tulungan ang mga nabaha. Nasa 1,000 milya ang layo nila sa lugar ng mga nasalanta. Pero wala pang 24 oras ang nakakalipas, 13 katao ang nagsabing pupunta at handang tumulong sa mga nabaha.
Ano kaya ang nag-udyok sa mga taong iyon para bumiyahe ng 17 oras, tumulong sa pag-aayos ng mga nasirang bahay at magbigay ng pag-asa sa nasalanta ng baha? Pag-ibig ang sagot. Ito ang nag-udyok sa kanila para tumulong.
Pagbulayan natin ang talatang sinabi ni Carissa noong hinikayat niya ang mga taong tutulong sa mga nasalanta. “Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; magtiwala ka sa Kanya at tutulungan ka Niya” (SALMO 37:5).
Totoong tutulungan tayo ng Dios kung susunod tayo sa Kanya na tulungan ang iba. Sinabi naman ni Apostol Juan, “Kung mayroon man sa atin...nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios?” (1 JUAN 3:17). Maaaring nakakatakot ang sumunod sa ipinapagawa ng Dios. Pero, alalahanin natin na nangako ang Dios na tutulungan Niya tayo kung ating, “ginagawa ang naaayon sa Kanyang kalooban” (TAL. 22).
Napararangalan natin ang Dios sa tuwing ipinapadama natin sa iba ang Kanyang pagmamahal.