Ilang taon na ang nakakalipas, nakaranas ng matinding taglamig ang aming lugar. Halos dalawang linggo na sobrang lamig at nagyeyelo ang paligid.
Noong umaga ng mga panahong iyon, narinig ko sa labas ng aming bahay ang maraming ibon na humuhuni ng napakalakas. Kung hindi ko alam ang dahilan kung bakit sila humuhuni ng napakalakas, iisipin ko na nagmamakaawa sila sa Dios na kanilang Manlilikha na painitan naman ang paligid.
Pero ayon sa mga dalubhasa sa mga ibon, kadalasan daw ay mga lalaking ibon ang humuhuni ng napakalakas tuwing taglamig. Ginagawa raw nila iyon para makaakit ng kanilang mapapangasawa. Naipaalala naman sa akin ng mga huni ng ibon ang kamangha-manghang pagmamahal ng Dios at ang patuloy na pagbibigay buhay Niya sa Kanyang mga nilikha. Siya ang Dios ng buhay.
Ipinahayag ng sumulat ng Salmo ang tungkol sa kamangha-manghang pagyabong ng mga nilikha ng Dios dito sa mundo. Kaya naman, sinimulan niya ang kanyang awit sa pagsasabing, “Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!” (SALMO 104:1 MBB). Sinabi pa niya, “May mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy sila’y nagsisiawit” (TAL. 12). Binanggit din niya ang karagatan na hindi mabilang ang mga nilalang dito, may malalaki at maliliit (TAL. 25).
Marami tayong makikitang dahilan para purihin ang Dios na siyang nagbibigay ng buhay sa lahat ng Kanyang nilikha.