Palapit na ang panahon ng aking pagreretiro dahil sa katandaan. Parang napakabilis ng takbo ng panahon at gusto kong pabagalin ang oras. Masaya kasi ako at nagagalak sa nangyayari sa aking buhay. Ang bawat araw ay bigay sa akin ng Dios na siyang nagpapasaya sa akin. Kaya naman, masasabi ko ang sinabi sa Awit, “Kataastaasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa Inyo. Nakalulugod na ipahayag ang Inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi” (SALMO 92:1-2).
Marami mang pagsubok at kalungkutan ang napagdaanan ko sa aking buhay, pinalakas naman ng Dios ang aking loob. Napapaawit ako sa tuwa sa tuwing tinutulungan ako ng Dios (tal. 4). Nagagalak ako sa pagpapala Niya sa akin. Binigyan Niya ako ng isang masayang pamilya, mabubuting kaibigan at magandang trabaho.
Nagagalak ako dahil kamangha-mangha ang kanyang mga nilikha at ang mismo Niyang mga Salita. Nagagalak ako dahil minamahal tayong lubos ni Jesus na namatay para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. At nagagalak ako dahil ibinigay Niya sa atin ang Banal na Espiritu na siyang pinagmumulan ng ating kagalakan (ROMA 15:13). Dahil sa Panginoon, ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya ay, “Uunlad ang buhay gaya ng mga palma...at namumunga kahit matanda na” (SALMO 92:12-14).
Kaya naman, kahit matanda na tayo, magagawa pa rin nating maging magandang halimbawa sa iba sa kung paano tayo namumuhay. Laging may kagalakan kung nagtitiwala at namumuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios.