Maraming taon na ang nakakalipas, tinanong ng 2 taong gulang kong anak ang asawa ko. Kakatapos pa lang namin noong manalangin. Ang tanong niya ay kung nasaan daw si Jesus.
Sumagot naman ang asawa ko. Sinabi niya, “Nasa langit si Jesus at narito rin Siya kasama natin. Puwede rin Siyang pumasok sa puso mo kung papayagan mo si Jesus.” Sinabi ng anak ko na nais niyang papasukin si Jesus sa puso niya. Sabi naman ng asawa ko, “Puwede mong gawin iyan sa mga susunod na araw.” Sabi naman ng anak ko, “Gusto ko pong papasukin na Siya sa puso ko ngayon.”
Kaya naman, nanalangin ang aking anak. Sabi niya, “Panginoong Jesus, pumasok po Kayo sa aking puso at samahan N'yo po ako.” At doon nagsimula ang pagtitiwala ng aking anak sa Panginoong Jesus.
Nagtanong naman noon kay Jesus ang mga alagad Niya. Itinanong nila kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit. Dahil doon, tinawag ni Jesus ang isang bata at pinalapit sa Kanya (MATEO 18:1-2). Sinabi ni Jesus, “Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios...At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa Akin ay tumatanggap din sa Akin” (TAL. 3, 5).
Ipinahayag ni Jesus ang isang magandang halimbawa ng pananampalataya – ang pagtitiwala ng isang bata. Sinabi pa ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios” (MATEO 19:14).