Nasa trabaho ang asawa ko nang matanggap ko ang balita na may kanser ang aking ina. Nagtext ako sa asawa ko at sa ilang mga kaibigan. Pero wala sa kanila ang tumugon sa akin. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako noon. Umiiyak akong humihingi ng tulong sa Dios. Nang mga sandaling iyon, naramdaman kong kasama ko ang Dios at pinalalakas ang aking loob.
Pinasalamatan ko ang Dios nang dumating ang aking asawa, kaibigan at mga kapamilya ko. Nakagaan naman ng loob ang pagsama sa akin ng Dios noong mga sandaling wala pa akong kasama. Nagpapasalamat ako sa Dios na lagi siyang handa para tulungan at samahan ako kahit saan at anumang oras.
Sa Lumang Tipan ng Biblia naman, ipinahayag ng sumulat ng Salmo na, “Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siya’y laging handang sumaklolo sa oras ng kagipitan” (SALMO 46:1). Kaya naman, hindi natin kailangang matakot sa anumang pagsubok o kaguluhan sa ating buhay (TAL. 2-3). Hindi kasi nanghihina ang Dios (TAL. 4-7). Makapangyarihan Siya at kitang-kita iyon sa Kanyang mga ginawa (TAL. 8-9). Siya ang Dios na habang buhay na tutulong sa atin sapagkat hindi Siya nagbabago (TAL. 10) at “Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan... na ating kanlungan” (TAL. 11).
Hinihikayat ng Dios ang mga nagtitiwala sa Kanya na idalangin at palakasin ang loob ng isa’t isa. Pero tinitiyak din sa atin ng Dios na lagi Siyang handa at kayang-kaya Niya tayong tulungan. Mapagkakatiwalaan natin ang Dios na tutugon Siya sa sandaling humingi tayo ng tulong sa Kanya. Palalakasin Niya ang ating loob sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.