Tatlong taon na ang nakakalipas, pumunta kami ng pamilya ko sa isang bundok na binabalot ng snow. Iyon ang unang pagkakataon namin na makakita ng snow dahil sa naninirahan kami sa mainit na klima. Habang pinagmamasdan namin ang kapaligiran na binabalutan ng puting-puting snow, nagbanggit ang asawa ko ng isang talata sa Biblia. “Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo’y Aking papuputiin tulad ng yelo o bulak” (ISAIAS 1:18 MBB).
Pagkatapos tanungin ng anak ko kung ano ang nais iparating ng kulay pula sa talata na sinabi ng asawa ko, itinanong naman niya kung masama ba ang kulay pula. Alam ng anak ko na galit ang Dios sa kasalanan. Pero hindi tungkol sa kulay ang tinutukoy ng talata. Inilalarawan ni Propeta Isaias ang pulang itlog ng isang insekto na kapag dumikit daw iyon sa puting damit, walang makakatanggal ng kulay na iyon, kahit pa labhan o maulanan ang damit. Ganoon din naman ang ating kasalanan.
Kahit anong pagsisikap ang ating gawin, hinding-hindi natin matatanggal o maaalis ang kasalanan. Nakaugat ito sa kaibuturan ng ating mga puso.
Tanging ang Dios lang ang makapaglilinis ng ating puso na puno ng kasalanan. Sundin natin ang itinuturo ni Apostol Pedro, “Magsisi kayo at magbalik-loob sa Dios upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan” (GAWA 3:19 MBB). Patatawarin tayo ng Dios at bibigyan ng isang bagong buhay. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala kay Jesus na nag-alay ng Kanyang buhay makatatanggap ng kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan at ng dalisay na puso.