Sa ating kalagayan, lahat tayo ay hindi nakaabot nito (ROMA 3:23). Si Jesus ang kaningningan nito (HEBREO 1:3) at sa lahat ng nagtitiwala kay Jesus ay nakita nila ito (JUAN 1:14). Sa Lumang Tipan ng Biblia, binalot nito ang Toldang Tipanan noon ng Dios. At pinanguhan din nito ang mga Israelita noon. Ipinangako naman ng Dios na sa darating na panahon, paliliwanagin nito ang buong kalangitan nang sa gayon hindi na kakailanganin pa ang liwanag ng araw (PAHAYAG 21:23).
Ano kaya ang tinutukoy ng salitang ‘nito’ sa mga binanggit sa itaas? Ang tinukoy ng salitang ‘nito’ ay ang kaluwalhatian ng Dios. Talagang nakamamangha ang Kanyang kaluwalhatian.
Ipinapaalam sa atin ng Salita ng Dios na masusulyapan natin ang kaluwalhatian ng Dios habang namumuhay tayo dito sa mundo. Ipinapahayag naman ng kaluwalhatian ng Dios ang Kanya mismong mga katangian. Hindi kasi natin nakikita ang Dios. Kaya naman, makikita natin ang Kanyang kaluwalhatian sa Kanyang mga nilikha. Makikita rin natin ito sa Kanyang ginawang paraan ng pagliligtas sa ating lahat. At makikita natin ito sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa lahat ng mga nagtitiwala kay Jesus.
Sa araw na ito, bigyang-pansin natin ang kaluwalhatian ng Dios. Dahil ito rin mismo ang ebidensiya ng Kanyang kadakilaan. Nababalot ng kaluwalhatian ng Dios ang mundong ating tinitirhan.