Nang sabihin ng aking ina na may kanser siya, gusto kong ipakita sa kanya ang aking katatagan. Pero hindi ko mapigilang umiyak. Pagkatapos kasi ng ilang pagsusuri sa kanya, nalaman niyang malala ang kanyang kalagayan. Kaya naman, masakit marinig ang balitang iyon.
Kahit na ang aking ina ang may sakit, ako pa ang pinalakas niya ang loob. Humanga ako sa kanyang sinabi. “Alam kong mabuti ang Dios at Siya’y laging tapat sa akin.” Alam ng aking ina na lagi niyang kasama ang Dios at pinagmamalasakitan siya sa panahon ng kanyang paghihirap.
Naalala ko naman ang buhay ni Job na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia ang nangyari sa aking ina. Namatay noon ang mga anak ni Job. Nawala ang kanyang kayamanan at nagkaroon ng malalang sakit. Gayon pa man, kahit ganoon ang nangyari kay Job, nagpuri pa rin siya sa Dios (JOB 1:20). Noong hinihikayat si Job na isumpa na lang niya ang Dios, sinabi ni Job, “Mabubuting bagay lang ba ang tatangga- pin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” (2:10). Nakakamanghang tugon iyon mula sa isang taong lubos na nahihirapan. Kahit na nagreklamo noon si Job sa kanyang kalagayan, patuloy pa rin siyang nagtitiwala sa Dios. Alam ni Job na kasama niya ang Dios at pinagmamalasakitan siya.
Halos lahat sa atin ay hindi magawang magpuri sa Dios sa panahon ng matinding pagsubok. Madalas, natatakot o nagagalit tayo dahil sa sakit na dulot ng pagsubok. Pero naipaalala sa akin ng aking ina na lagi nating kasama ang Dios. Nagmamalasakit Siya at laging handang tumulong sa atin sa panahon ng mga pagsubok.