Tinatawag nating isang ‘Alamat ng kanyang henerasyon’ ang isang tao kahit buhay pa siya dahil sa kanyang kasikatan o nagawang kapaki-pakinabang sa maraming tao. Pero iba naman ang pananaw ng kaibigan ko. Sinabi niya na marami siyang kilalang mga sikat na manlalaro na isang alamat lamang sa sarili nilang isipan. Binabaluktot kasi ng kayabangan ang ating isipan. Pero maayos ang pananaw ng isang mapagpakumbaba.
May sinabi naman ang sumulat ng Kawikaan sa Lumang Tipan tungkol sa kayabangan. Sinabi nito, “Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak” (16:18). Kung susuriin natin ang ating sarili, makikita natin na ang pagiging mapagmataas ang siyang ating ikababagsak.
Kaya naman, ang gamot para mawala ang nakakalasong kayabangan sa ating sarili ay ang kapakumbabaan na nagmumula sa Dios. Ating isaisip na, “Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan” (TAL . 19).
Ipinaalala naman ni Jesus sa Kanyang mga alagad na, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo...Maging Ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng Aking buhay para maligtas ang maraming tao” (MATEO 20:26-28).
Walang masama sa kasikatan at tumanggap ng papuri dahil sa ating mga nagawa. Pero manatili nawang nakatuon ang ating isipan sa Dios na nagsabi sa atin, “Ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa Akin ang kapahingahan” (MATEO 11:29 MBB).