Madalas magpost sa Facebook ng mga video ang kaibigan ko. Mga pambihirang pagkakaibigan ng magkaibang hayop ang ipinopost niya. Mapapanood mo ang hindi mapaghiwalay na aso at baboy. At maging ang isang unggoy na inaalagaan ang isang batang tigre.
Nang mapanood ko ang mga iyon, naalala ko ang Hardin ng Eden na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Maayos at payapang magkakasama noon ang Dios at sina Adan at Eva. Iniisip ko na maayos din ang relasyon nila sa mga hayop na nilikha ng Dios dahil mga halaman lang ang kinakain nila (GENESIS 1:30). Pero sinira ng kasalanan ang magandang pagsasamang ito (3:21-23). Ang resulta, makikita natin ang laging paglalaban ng tao at ng mga nilikha ng Dios.
Gayon pa man, tinitiyak sa atin ni Propeta Isaias na darating ang araw na, “Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa...Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit” (ISAIAS 11:6). Sinabi ng ilang dalubhasa na mangyayari daw ang mga bagay na iyon sa paghahari ni Jesus. Sa muling pagbabalik ni Jesus, wala nang paglalaban ng Kanyang mga nilikha at “wala nang kamatayan, kalungkutan…o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan” (PAHAYAG 21:4). Aayusin at ibabalik ng Dios sa maayos at payapang pagsasama ang lahat ng Kanyang mga nilikha maging ang lahat ng tao para sumamba sa Kanya (7:9-10; 22:1-5).
Pero bago pa mangyari iyon, tutulungan tayo ng Dios na maayos ang ating relasyon sa iba at magkaroon ng mga bagong kaibigan.