Dumagsa ang mga tao sa iba’t ibang kapulungan ng mga sumasampalataya kay Jesus sa aming lugar. Bunga ito ng giyera sa karatig lugar. Naging hamon naman ang pagdami ng tao sa bawat kapulungan. Kailangan kasi nilang makisama sa mga taong iba ang kultura, lenggwahe at paraan ng pagsamba sa Dios.
Ang hindi pagkakaunawaan o pagkakasundo ay madalas nating makikita sa mga lugar na maraming tao. At kabilang dito ang kapulungan ng mga mananampalataya. Kaya naman, kung hindi natin isasaayos ang ating mga hindi pinagkakasunduan, magdudulot ito ng pagkabaha-bahagi ng mga mananampalataya
Dumagsa rin naman ang tao noon sa kapulungan ng mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkaroon sila ng iba’t ibang problema. “Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda” (GAWA 6:1). Kaya sinabi ng mga apostol ni Jesus, “Pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu” (TAL . 3). Ang pitong pinili ay may Griyegong pangalan lahat (TAL . 5). Ibig sabihin, mas mauunawaan nila ang mga hinaing ng mga griyegong mananampalataya. Idinalangin ng mga apostol ang pitong pinili at patuloy na dumami ang mga nagtitiwala kay Jesus (TAL . 6-7).
Maaaring magbigay ng problema ang pagdami o pagunlad. Pero kung hihingi tayo ng gabay sa Banal na Espiritu, magiging pagkakataon ito para lalong umunlad ang kapulungan ng mga mananampalataya.