Nang matapos ako ng pag-aaral sa kolehiyo, nagkaroon ako ng trabaho. Pero dahil maliit lang ang aking suweldo, nahirapan akong pagkasyahin ang pera ko. Minsan, hindi ko alam kung saan ko kukunin ang aking kakainin. Kaya naman, natuto akong magtiwala sa Dios para sa pang-araw-araw kong kailangan.
Naalala ko tuloy ang naranasan ni Propeta Elias. Natuto siyang ipagkatiwala sa Dios sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Noon kasing ipahayag ni Elias na magkakaroon ng matinding tagtuyot sa bansa ng Israel, pinapunta siya ng Dios sa isang liblib na lugar. Ipinapadala ng Dios ang pagkain ni Elias sa pamamagitan ng mga uwak at nakakainom naman siya sa isang batis (1 HARI 17:1-4).
Pero dahil sa tagtuyot, natuyo ang batis. Kaya nang matuyo ito, sinabi ng Dios kay Elias, “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan Kong magpapakain sa iyo” (TAL . 9). Mga kaaway ng mga Israelita ang taga Zarefat. Totoo bang may magpapakain doon kay Elias? May sapat bang pagkain ang isang biyuda para maipakain sa iba?
Maaaring ang lahat sa atin ay nagnanais na higit pa sa pangangailangan natin ang ipagkaloob ng Dios kaysa sa sapat lang sa pang-araw-araw ang ating natatanggap. Gusto natin ito para dumating man ang kahirapan ay hindi tayo magkukulang. Pero sinabi sa atin ng Dios na magtiwala tayo sa Kanya. Tulad ng pagbibigay Niya ng mga pangangailangan ni Elias sa pamamagitan ng uwak at ng biyuda, tutulungan Niya rin tayo. Maaasahan natin ang pagmamahal ng Dios at ang Kanyang kapangyarihan na maibibigay Niya ang ating mga pangangailangan.