Habang nagtatrabaho ako sa aking computer, may du- mating na isang email. Madalas, sinisikap kong huwag munang pansinin ang email tuwing nagtatrabaho ako. Pero dahil sa tema na nakasulat sa email, ‘Isa kang pagpapala sa amin’, binasa ko ito.
Nalaman ko na galing ang email sa kaibigan ko na nasa malayong lugar. Sinasabi sa email na lagi niya kaming idinadalangin. Bawat linggo, inilalagay niya raw ang larawan ng pamilya ng mga naglilingkod sa Dios sa isang mangkok at idinadalangin ang pamilyang iyon. Sinabi pa niya ang talatang, “Nagpapasalamat ako sa aking Dios tuwing naaalala ko kayo” (FILIPOS 1:3 MBB). Sinabi niya rin sa sulat ang aming mga pagpapagal sa aming paglilingkod sa Dios at paghahayag ng Magandang Balita sa mga tao.
Nagalak ako sa ginawa ng aking kaibigan. Tiyak nagagalak din naman noon ang mga sinulatan ni Apostol Pablo na mga sumasampalataya kay Jesus na nasa Filipos. Mapapansin natin na nakasanayan na ni Pablo ang laging magpasalamat sa mga kapwa niya naglilingkod sa Panginoon. May sinabi naman si Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Roma na parang katulad ng sinabi niya sa mga taga Filipos. Sinabi ni Pablo, “Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo” (ROMA 1:8).
Ginagamit ni Pablo ang kanyang sulat para pasalamatan at idalangin ang mga kapwa niya naglilingkod kay Jesus. Ginagamit naman ng aking kaibigan ang mangkok at email para pasalamatan at idalangin ang kanyang mga kaibigan na nagdulot sa akin ng kagalakan sa araw na iyon. Paano naman natin pinasasalamatan ang mga nagmimisyon para ipahayag ang pagmamahal ng Dios?