Lilipat ng bahay ang isa kong kaibigan. Napakalayo ng bago nilang lilipat sa bahay na kasalukuyan nilang tinitirhan. Hinati raw ng kaibigan ko ang mga dapat nilang gawing mag-asawa. Nauna ang asawa ng kaibigan ko sa lugar ng kanilang lilipatan para ihanda ang kanilang matitirhan. Ang kaibigan ko naman ang nag-ayos ng mga gamit nila na dadalhin sa bago nilang bahay. Tinanong ko ang kaibigan ko kung bakit hindi siya sumama para tingnan ang bahay na kanilang titirhan. Sinabi naman niya na may tiwala siya sa kanya asawa. Sa tagal na raw nilang magkasama, alam na raw ng kaibigan ko na magugustuhan din niya ang mga nais ng asawa niya pagdating sa mga kailangan nila sa bahay.

Tulad ng paghahanda ng asawa ng aking kaibigan sa bahay na kanilang titirhan, ipinaalam din naman noon ni Jesus sa Kanyang mga alagad na ipaghahanda rin sila ng bahay sa langit. Sinabi ito ni Jesus para palakasin ang loob ng mga alagad.

Pinag-uusapan kasi nila na may magkakanulo kay Jesus at ang tungkol sa kamatayan Niya. Alam ni Jesus na labis na ikalulungkot ng Kanyang mga alagad ang Kanyang kamatayan at pagkawala sa piling nila. Kaya naman, ipinaalala ni Jesus na kailangan Niyang gawin ang ipinapagawa sa Kanya. Ipinaalala rin ni Jesus na ipaghahanda Niya sila ng tahanan sa langit.

Maipagkakatiwala rin naman natin kay Jesus ang ating buhay. Lalo na sa panahon na humaharap tayo sa mabibigat na problema. Tutulungan tayo ni Jesus na dalhin sa isang maayos na kalagayan. At matuto tayong lalo pang magtiwala sa
Kanya.