Noong bata ako, lagi akong nasasabik dumalo sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus tuwing linggo ng gabi. Nasasabik kong marinig ang kuwento ng mga misyonero o mga tagapagsalita na galing pa sa ibang lugar. Nakakapukaw ng damdamin ang mga kuwento na kanilang naranasan. Nakakahamon din ang pag-iwan nila sa kanilang pamilya, kaibigan, ari-arian at trabaho para pumunta sa mga liblib na lugar at maglingkod sa Dios.
Tulad ng mga misyonero, marami ring iniwan sa buhay si Propeta Eliseo para maglingkod sa Dios (1 HARI 19:19-21). Wala tayong masyadong malalaman sa buhay ni Eliseo noong bago pa siya maglingkod sa Dios, maliban na isa siyang magsasaka. Nang makita ni Propeta Elias si Eliseo sa bukid na kanyang sinasaka, hinagis ni Elias sa balikat ni Eliseo ang kanyang balabal.
Ang balabal na iyon ang tanda ng pagiging propeta. Tinawag ni Elias si Eliseo at inanyayahan na sumunod sa kanya. Pero bago pa sumunod si Eliseo, hiniling niya na makapagpaalam sa kanyang magulang. Nagpaalam si Eliseo sa kanyang mga magulang, inihandog ang kanyang mga baka at sinunog ang mga gamit sa pagsasaka. Pagkatapos niyang gawin iyon, sumunod siya kay Elias.
Hindi lahat sa atin ay binigyan ng pagkakataon na magmisyon at iwan ang pamilya at mga kaibigan para maglingkod sa Dios. Pero, nais ng Dios na lahat tayo na mga nagtitiwala kay Jesus ay maglingkod sa Kanya at “mamuhay ayon sa kalagayan na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Dapat manatili siya sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios” (1 CORINTO 7:17). Tulad ng aking nararanasan, masaya at nakakahamon ang paglilingkod sa Dios kahit hindi natin iwan ang ating pamilya.