Dumadalo ako sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus na nasa isang malawak na damuhan. Madalas mong makikita sa bansang Singapore ang ganitong pinagtitipunan. Minsan, may mga dayuhan na nagtatrabaho sa aming bansa ang gumagamit ng aming lugar. Nagpipiknik sila roon tuwing linggo.
Sa pangyayaring iyon, may ilan sa mga kasama ko na dumadalo sa aming pagtitipon ang nainis. Nakita kasi nila ang mga kalat na iniiwan ng mga nagpiknik. Pero, may iba naman na ginamit ang pagkakataong iyon para maipahayag sa mga dayuhan ang Magandang Balita tungkol kay Jesus.
Ganito rin naman ang nangyari noon sa mga Israelita nang namumuhay na sila sa lupaing ipinangako sa kanila ng Dios. Kailangan nilang masanay na mamuhay na kasama ang mga dayuhan sa kanilang bansa. Dahil iniutos sa kanila ng Dios na ituring nilang mga kapatid ang mga dayuhan at mahalin na tulad ng pagmamahal sa sarili (LEVITICO 19:34).
Marami sa utos ng Dios ang may kinalaman kung paano pakikisamahan ang mga dayuhan. Sinabi ng Dios na hindi dapat inaabuso o inaapi ang mga dayuhan. Sa halip, dapat nilang tulungan at mahalin (EXODO 23:9; DEUTERONOMIO 10:19). Makalipas ang ilang daang taon, iyon din mismo ang iniutos ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya. “Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili” (MARCOS 12:31).
Tularan nawa natin si Jesus kung paano Niya minamahal ang iba. Alalahanin natin na tayo mismo ay mga dayuhan sa mundong ito na minahal ng Dios at itinuring na Kanyang kapamilya.