Noong nag-aaral ako magFencing, isinisigaw ng aking coach kung paano ako sasalag para dumipensa. Isang uri ng laro ang fencing na gumagamit ng espada. Kailangan ko laging makinig kay coach at gawin agad ang kanyang mga sinasabi. Sa gayon, masasalag ko ang mga atake niya.
Naipaalala sa akin ng laging pakikinig kay coach ang tungkol sa pagsunod na binanggit sa Biblia. Tungkol iyon sa utos ng Dios na layuan ang sekswal na imoralidad. Sinabi ni Apostol Pablo sa mga sumasampalataya kay Jesus na taga Corinto, “Lumayo kayo sa sekswal na imoralidad” (1 CORINTO 6:18). Parang isinisigaw dito ng Biblia na kailangan nating lumayo para makadepensa tayo sa tukso. Pero minsan, kailangan din naman nating manindigan sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay (GALACIA 5:1; EFESO 6:11).
Ang mabilis na pagtugon sa iniutos sa atin ay pag-iwas sa anumang puwedeng mangyaring masama. Dahil kung pagbibigyan natin ng pagkakataon ang tukso, tiyak na matatalo tayo. Kung hahayaan natin ang ating isipan na mag-isip ng kahalayan, tumingin sa malalaswang makikita sa internet at makipaglandian sa kakilala kahit may asawa na ay mga dahilan para mahulog tayo sa tukso. Magiging dahilan din ito para lumayo tayo sa Dios.
Kung lalayuan natin ang tukso, bibigyan tayo ng Dios ng isang lugar na ating matatakbuhan. Makakalapit tayo kay Jesus sa panahon ng ating kahinaan at tutulungan Niya tayong makalaya sa anumang tukso. Magkakaroon din tayo ng pag-asa at bagong buhay sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus sa krus para ating mga kasalanan.