Minsan, nang pauwi na kami galing sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus, umupo sa likuran ng sasakyan ang anak kong babae. Kumakain siyang mag-isa doon habang nakikiusap naman ang mga kapatid niya na mamigay siya. Para ibahin ang usapan, tinanong ko ang may hawak ng pagkain kong ano ang kanyang ginawa sa pag-aaral ng Biblia sa araw na iyon. Sinabi naman niya na gumawa sila ng basket para sa tinapay at isda. May bata raw kasi na nagbigay kay Jesus ng limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang 5,000 tao (JUAN 6:1-13).
Sabi ko sa aking anak na napakabait ng batang lalaki dahil namigay siya. Sinabi ko pa na baka itinuturo sa kanya ng Dios na ibahagi ang kanyang kinakain. Sinabi naman ng anak ko na hindi iyon ang itinuturo sa kanya.
Hinihikayat ko ang aking anak na matutong magbigay sa iba. Pero sinabi niya na, “Hindi sapat ang pagkain niya para sa lahat.”
Maaaring napakahirap sa atin na magbigay sa iba. At mas madaling sarilinin nalang kung ano ang meron tayo. Maaari ring bilangin natin ang meron tayo at magdahilan nalang na hindi ito sapat para sa lahat. At kung magbibigay kasi tayo, baka tayo naman ang mawalan.
Ipinapaalala naman ni Apostol Pablo na ang lahat na meron tayo ay mula sa Dios. Nais Niya tayong pasaganain “sa lahat ng bagay para lagi [tayong] makatulong sa iba” (2 CORINTO 9:10-11). Hindi nagkukulang ang Dios sa mga bagay na kailangan natin. Sa halip, nag-uumapaw ito sa kasaganaan. Kaya naman, masaya tayong makapagbibigay sa iba dahil nangako ang Dios tutulungan Niya tayo kahit bukas-palad pa ang ating pagbibigay sa iba.