Gusto kong hayaan nalang ang isang puno ng mais na tumubo sa taniman ko ng kadyos. Pero sabi ng tatay ko, “Tumutubo ang damong ligaw kung saan hindi siya dapat tumubo.” Nais niyang iparating na bunutin ko ang mais. Wala raw itong magandang maidudulot sa aking pananim. Kukunin lang daw nito ang mga sustansya na para sa mga kadyos.
Hindi naman tulad ng halaman ang tao. Mayroon kasi tayong isip at binigyan tayo ng Dios ng kalayaan na makapagdesisyon. Pero minsan, para tayong mga halaman na nais tumubo sa lugar na hindi naman nais ng Dios na nandoon tayo.
Sinunod naman ni Jonatan na anak ni Haring Saul ang nais ng Dios para sa kanya. Inaasahan ng lahat na si Jonatan ang susunod na hari. Gayon pa man, alam niyang hindi iyon ang nais ng Dios at nakita niya ang pagpapala ng Dios sa kaibigan niyang si David. Nakita rin niya ang pagkainggit ng kanyang ama (1 SAMUEL 18:12-15). Kaya naman, hindi na ninais ni Jonatan na maluklok sa trono. Sa halip, naging matalik niyang kaibigan si David at iniligtas pa ang buhay nito (19:1-6; 20:1-4).
Sino ba ang mas gusto nating gayahin? Si Saul na labis na umasa sa kanyang pagiging hari na nawala naman sa kanya? O kay Jonatan na iniligtas ang buhay ng isang tao na naging ninuno ng ating Panginoong Jesus?
Tandaan natin na laging mas maganda ang plano ng Dios kaysa sa atin. Maaari nating suwayin ang Dios at matulad sa isang damong ligaw. O kaya naman, sundin ang nais ng Dios at lumago na tulad ng mga halaman ng Dios sa Kanyang hardin. Binibigyan tayo ng Dios ng kalayaan na magdesisyon. Ano ang pipiliin mo?