Minsan, dumalaw sa amin ang kaibigan ko kasama ang kanyang maliit na anak. Sinabi ng 6 gulang kong anak noon na si Xavier na gusto niyang bigyan ng laruan ang maliit na bata. Natuwa ako sa aking anak. Pero nagulat ako ng ibigay niya ang mamahaling laruan na binili ng kanyang ama para sa kanya. Alam ng kaibigan ko kung gaano kamahal ang laruang iyon, kaya tinanggihan niya ito. Ipinilit naman ni Xavier na ibigay ang laruan sa bata. Tapos, sinabi ni Xavier na marami siyang laruan na binili ng kanyang ama para ibahagi sa iba.
Naisip ko na minana sa akin ni Xavier ang pagiging mapagbigay. Pero may mga pagkakataon naman na ipinagkakait ko sa Dios o sa iba ang mga bagay na meron ako. Gayon pa man, nagiging madali para sa akin ang magbigay sa tuwing naaalala ko ang aking Amang Dios sa langit na ibinigay ang lahat ng aking pangangailangan.
Binanggit naman sa Lumang Tipan na inutusan ang mga Israelita na magtiwala sa Dios sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga paring Levita. Nang tumanggi ang mga Israelita, sinabihan sila ni Propeta Malakias na pinagnanakawan nila ang Dios (MALAKIAS 3:8-9). Pero kung bukas-palad silang magbibigay na nagpapakita ng kanilang pagtitiwala sa Dios ay pagpapalain sila Dios (TAL . 10-11). Tatawagin din silang mga taong pinagpala ng Dios (TAL . 12).
Anuman ang ating ibinibigay sa iba tulad ng pinansyal, panahon o ating kakayahan ay isang pagsamba sa Dios. Nagpapakita ng lubos na pagtitiwala sa Dios Ama ang bukaspalad at walang takot na pagbibigay.