Minsan, nabahala kaming mag-asawa nang aming mabalitaan na nawawala ang ina ng aking asawa. May sakit pa naman ang kanyang ina ng pagkawala ng alaala. Iniisip namin na nagpalaboy-laboy siya o sumakay ng bus para umuwi. Habang iniisip namin ang maaaring mangyari sa aking biyenan, idinalangin namin sa Dios na makita namin siya.
Makalipas ang ilang oras, may nakakita sa aking biyenan na naglalakad sa gilid ng kalsada. Alam kong pinagpala kami ng Dios dahil nakita namin siya. Pagkalipas naman ng ilang buwan, nagtiwala sa Panginoong Jesus ang aking biyenan sa edad niyang 80.
Inilarawan naman ni Jesus ang mga tao sa isang nawawala tupa. “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? At kapag nakita na ninyo…tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa” (LUCAS 15:4-6).
Binibilang ng mga pastol ang kanilang tupa at sinisigurado na walang nawawala. Gayon din naman, si Jesus na ating mabuting Pastol ay iniingatan tayong lahat – bata man o matanda. Nais ng Dios na maranasan natin lahat ang Kanyang pagmamahal at masaganang buhay sa piling Niya. Kaya naman, kung naghahanap ka ng layunin sa buhay, magtiwala ka kay Jesus na magbibigay sa buhay ng kahulugan.