Nakatira ako sa lugar kung saan palaging mainit at maaraw kaya hindi ako sanay sa malalamig na lugar. Pero natutuwa akong makakita ng snow sa mga larawan. Nagpadala ang kaibigan ko ng litrato ng snow mula sa kanyang tirahan at natuwa ako rito. Napalitan ng kalungkutan ang kasiyahan ko nang mapansin ko ang mga lagas na puno sa gitna ng makakapal na yelo.
Hanggang kailan kaya kakayanin ng mga nalalagas na puno na pasanin ang makakapal na snow? Katulad ng puno sa larawan, mayroon din akong mabibigat na pasanin at alalahanin sa aking buhay.
Isa sa mga itinuro ni Jesus na ang ating mga kayamanan sa buhay ay pansamantala lamang at hindi tayo nararapat mag-alala. Ang Panginoong Dios ang lumikha sa sanlibutan at ibinibigay Niya ang lahat ng ating pangangailangan. Hindi natin dapat sayangin ang ating panahon sa pag-aalala. Alam Niya ang ating pangangailangan at ibibigay Niya ang mga ito (MATEO 6:19-32).
Alam ng Dios na tayo ay mabilis mabalisa. Itinuro Niya na lumapit tayo sa Kanya at mabuhay nang may pagtitiwala sa bawat araw.
Sa buhay natin ay marami tayong haharaping mga suliranin at kahirapan. Pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Maaaring maging mabigat ang mga pasanin natin pero nariyan ang Dios para tulungan at gabayan tayo palagi.